MAYNILA - Umalma ang ilang health workers sa pag-apela ni Health Secretary Francisco Duque III sa kanilang "patriotism" o pagiging makabayan kaugnay sa pagsisilbi sa bayan ngayong may COVID-19 pandemic.
Para sa mga grupong Filipino Nurses United (FNU) at Alliance of Health Workers (AHW), hindi makatarungan ang mga binitawang salita ni Duque.
"Napakasakit po na marinig ang ganun na parang kami ay hindi nationalist o patriotic sa panahon ng pandemya," ani FNU Secretary General Jocelyn Andamo.
"Marami pong nurses na naglingokod nang maraming taon nang walang sahod o hindi kaya hindi makataong sahod na halos hindi po nila masuportahan 'yong pamilya nila," dagdag ni Andamo.
"Bago pa man dumating ang COVID-19 ay matagal nang nagsisilbi ang ating mga health workers alang-alang sa sa sinumpaang tungkulin," sabi naman ni AHW National President Robert Mendoza.
Nauna nang umapela si Duque sa health workers na magtulungan sa harap ng laban ng bansa kontra COVID-19.
"I appeal to the sense of nationalism and patriotism of every healthcare worker. Nasa giyera po tayo, magkaisa po tayo, magtulungan po tayo," ani Duque.
Ayon kay Duque, sa 1,000 health care worker na bumalik sa bansa, 25 lang ang nagsabing handa silang magsilbi bilang health worker sa Pilipinas.
"Hinihikayat po namin talaga ang mga nurses na hindi umalis ng bansa pero karapatan rin po nila na maghanap ng mas mabuting buhay kung 'yon po ay hindi nabibigay sa atin ng pamahalaan," ani Andamo.
Hindi naman naitago ni Mendoza ang kaniyang pagkadismaya nang sinabi ni Duque na bagaman malaking pinsala ang dulot ng pandemya, may positibo itong naidulot sa pagpapatupad ng universal health care (UHC).
"Hindi ito talaga ito tama na sinasabi niyang blessing in disguise. Una, wala ang gusto na magkaroon ng COVID-19. Marami ang napatay, nagutom, at nawalan ng trabaho," ani Mendoza.
Hiling ng mga grupo ng health worker na mapakinggan ang kanilang pangangailangan kaugnay sa trabaho, sapat na suweldo, at pag-lift ng deployment ban.
Source: This article was first published on ABS-CBN News, August 23 2020 . https://news.abs-cbn.com/news/08/23/20/health-workers-umalma-sa-apelang-patriotism-ni-duque